Dear Aeron,
Kamusta ka na? Makalipas ng limang taon eto ang unang liham na nagawa ko para saiyo. Alam ko marami ng pagbabagong naganap sa buhay mo sa loob ng iilang taon. Nagsimula tayo sa paghahanap ng trabaho bago ang Graduation Day sandamak mak na "Sige tatawagan nalang namin ang number mo for further interview" maraming lakad ang pinagsamahan natin sa katirikan ng araw at maraming kalam ng tyan ang ating pinagsaluhan para lang makapunta sa interview.
Ngayon kamusta ka na? Narinig ko isa ka sa pinaka batang manager ng kumpanya nyo. Mula sa simpleng agent hanggang sa maging team leader at ngayon isa ka na sa manager. Pagbutihan mo pa kasi alam ko kung gaano mo kagusto maging bahagi ng kumpanya na yan nung nagsisimula pa lang tayo sa training. Napagsasabay mo ang pagbloblog at ang trabaho, alam ko kung gaano ka dedicated para sa brand natin na I-skolar sana lang di lumaki ulo mo sa mga papuring natatanggap mo, tandaan mo na bahagi ito ng kwento ng hirap, tyaga at determinasyon. Alam natin na di tayo ang pinakamagaling pero pilit natin pinagbubuti at inaaral ang bawat mali at tamang ating nagagawa.
Sana tinupad mo yung pangakong bibilhan mo si tatay ng motor, na papaayos mo ang bahay natin at bilhan mo ng playstation ang dalawa nating kapatid. Sana rin naaayos mo ang mga bayarin at maayos mong nahahandle ang budget, sa hirap ng buhay mabuti nang maganda ang pagkakahawak mo. Nasimulan mo na ba yung gusto mong trucking business kay tatay? eh yung kapital na hinihingi ni mama naibigay mo na ba? Nasimulan mo na ba yung Computer Shop nyong magkakapatid? eh sinagot ka na ba nya o sinubukan mong kontakin uli sya, huli nyong paguusap nasa bulacan na sya. Isinulat ko to sa tagalog kasi alam ko, nangangapa ka na sa pananagalog sa kakaingles mo dyan sa kumpanya nyo, di naman masama na mahalin mo ang wikang banyaga pero sana wag mong kalimutan kung saan ka nagsimula.
Sa loob ng limang taon marami ng naganap, nakapunta ka na kung saan saan sa loob at labas ng bansa, alam ko kung gaano inenjoy ang buhay single mo pero di tayo bumabata, kailangan natin ng pamilya, kailangan natin ng kakalinga sa atin sa pagtanda. Sana ngayon nagkatuluyan kayo para mapanatag ako. Marami ka ng nakilalang tao, marami ka ng napakingang kwento, marami na kayong pinagsaluhang tawa at iyak, marami ka ng nakasalubong at nagiwan ng marka sa buhay mo. Pahalagahan mo ang bawat markang yun kasi di man ito naging makulay, alam kong umukit sila sa kwento natin.
(Encantadia background music) Huwag kang bibitaw sa pagsulat ng buhay natin. Huwag kang mapapagod magmahal at maniwala sa mga taong nakapaligid saiyo, alam ko kung gaano ka katahimik sa pagiisip at kung gaano ka kapanget tumawa, simpleng nilalang ka lang na may di pangkaraniwang pagmamahal sa mga taong nakapaligid saiyo. Di ko alam kung bakit kahit ako nasasabi kong di ka pangkaraniwan, na hanggang ngayon hinahanap ko pa din kung bakit. Sa muling pagkakataon lubos akong nagpapasalamat na ako'y bahagi mo at ikaw ay bahagi ko, lahat ng sakit at saya ay pinagsaluhan natin at kahit hirap ka na pilit ka pa rin hindi bumubitaw, minsan marami kang tanong na mahirap sagutin at minsan marami kang sagot pero di mo alam kung paano tanungin. Huwag kang magpapadala sa palakpak nila maging modelo ka ng pagkumbaba. Pag aralan mong mabuti kung ikaw ba'y umuunlad mula sa parisan ng mali at tama (Buwan ng Wika ngayon wala kang magagawa) Hulmahin mo kung sino ka at maging uliran ka ng kung ano ka, huwag mong ikumpara ang buhay mo sa iba pagkat ang kwento nila'y kwento nila.
Lubos na Gumagalang,
Ala-Ala
Five Years from Now
4
/
5
Oleh
Aeron Emmanuel
Let me know what you think! Gracias #IskolarAko