Wednesday, May 4, 2016

Liham ng Pagtatapos


Hindi ko alam kung tutuloy ba ako sa college noon bit bit ang sarili kong puno ng takot at kaba, takot sa pakikipag halubilo, kaba na baka eto uli yun kagaya ng highschool. Umupo ako sa medyo gitna, parteng natatamaan ng hangin mula sa electric fan, yumuko at huminga ng malalim at eto na naman ang normal na ritwal ng mga first day of classes - "Introduce your self". Di ko akalain na sa munting pagpapakilala na ginawa ko, binago ninyo ang buong kwentong akala ko noon magiging boring fairy tale na itatago ko nalang. 

Mula sa sinkwentang kataong may iba't ibang kwento ng buhay na akala ko noon pare pareho lang. Nagkaroon ako ng pagkakataon na kilalanin at linawin ang bawat isa sa inyo. Hindi ganoon kadali ang maging class president, hindi madali na may responsibilidad ka maliban sa academic requirements sa kursong kinukuha mo, hindi ganun kadali na pagsabayin mo ang moral na obligasyon mo sa kanila sa panahong kailangan nila ng encouragement at pisikal na aspeto ng pagiging iskolar, hindi ganoon kadali na humarap sa professor sa problemang hindi ka naman ang gumawa, hindi ganoon kadali na lagi kang aalalay sa kanila pero hindi ko sinabing hindi ako natuwa, hindi ko sinabing hindi ko kinaya. Mula sa sinkwentang kwentong mga ibinahagi nyo ang syang nagbigay kwenta sa buhay kolehiyo ko. 

Halos mula sa tatlong taong pakikibahagi sa inyo, hindi ko pinagsisihan ang lahat ng desisyong ginawa ko para kumapit at ipagpatuloy ang kwento ko kasama kayo. Maraming iyak, tawa, kunot ng noo, pawis, away at marami pang iba. Marami tayong pwedeng pagsaluhan sa muli nating pagsasama sama. Mula sa singkwentang katao, umakyat tayong Tatlumput Anim na Iskolar ng Bayan maaring di ko natupad ang pangako kong aakyat tayong sama sama pero buo ang loob kong lahat tayo'y magiging bahagi sa mas malaking eskwela pagkatapos ng araw na ito, ang paaralan ng buhay. Lubos akong nagpapasalamat sa inyong lahat na hinayaan nyong maging bahagi ako ng buhay nyo. 

Sa aking magulang, lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng sakripisyo, pagod at lahat ng pagmamahal na ibinuhos at patuloy na ibinibuhos nyo sa aming magkakapatid. Magulang ko ang naging modelo sa lahat ng bagay, pundasyon ng pangarap at ambisyon ko sa buhay. Sila ang bumuhay at bumuo ng pagkatao na humaharap sa lahat recitation, defense at academic requirements. Ang magulang ko ang syang bumuo, bubuo at patuloy binubuo ang pagkataong haharap sa buhay ko. Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng mga turo at pagmamahal nyo, at patuloy nyong sinuportahan ang mga endeavors ko mapa-academic and non-academic extra curricular activities. Di nyo ipinakita at ipinagkait ang pagkakataon kong makatungtong sa kolehiyo na kung tutuusiin, hindi na ito sakop ng obligasyon at responsibilidad nyo bilang magulang. Maraming maraming salamat po

Sa aking mga kaibigan na patuloy na naniniwala at binibigyan ako ng gabay salamat Mark, Khalid, Freelly, Dianne, Aureo at Andrea sa lahat ng moral support at sa mga panahong kailangan ko ng tulong. Sa aking mga guro at propesor na naging bahagi ng kwento ko, mapalabas ng school man o sa loob ng paaralan. Lubos po akong nagpapasalamat sa lahat ng turo, aral, gabay at pagbahi ng mga kaalaman nyo bilang pangalawa naming magulang, Prof. Apostol, Prof. Jurado, Prof. Rivera, Prof. Antivula, Prof. Quinto at Prof. Suarez sa lahat ng bagay na ibinahagi nyo na naging malaking parte ng buhay kolehiyo ko. Nagpapasalamat din ako sa gabay ni Ate Amaya, Ma'am Donna at Ma'am Leng bilang mga pangalawa kong magulang sa Sintang Paaralan, di man sila propesor sa classroom namin naging guro ko naman sila sa tamang asal at sa munting kwentuhan. 

Maraming salamat sa ating panginoon na patuloy na ginagabayan ang aking panuntunan sa buhay na syang sumuporta at nagpatibay ng loob ko para makapagtapos sa kolehiyo at alam kong patuloy na gagabay sa lahat ng bagay na magsisimula pa lamang. 

Ang liham na ito'y pagpapatunay lamang na ako'y magsisimula ng panibagong kabanata. Sa lahat ng nakibahagi, naging bahagi ng aking paglalakbay lubos akong nagpapasalamat sa inyo. 

Lubos na nagmamahal, 
Isang Iskolar na Degree Holder



Related Posts

Liham ng Pagtatapos
4 / 5
Oleh

Subscribe via email

Like the post above? Please subscribe to the latest posts directly via email.

Let me know what you think! Gracias #IskolarAko